Paglalakbay Tungo sa Kaligayahan

May mahigit pitong bilyong tao dito sa ating mundo. Sa bawat paglalakad, galaw, hakbang ng iyong paa at sa ‘yong paglingon, ang ilan dito ay maaring nakikita mo na sa araw-araw, nakabangga, nakausap mo na o maaaring hindi mo pa rin napansin. Kilala mo man o hindi, bawat isa sa mga taong ‘yon ay may kanya-kanyang kwento ng pagsulong sa kanilang buhay, may kanya-kanyang kasiyahan, kalungkutan at hinanakit. Ngunit iisa lamang ang tunay nilang hinahangad sa buhay, ang magmahal at higit sa lahat, ang mahalin.

Sana naniniwala na lang ako sa love at first sight. Kung nagkataon siguro, mararamdaman ko yung nangyayari gaya ng mga nasa pelikula. May makakasalubong, makakabanggaan, mahuhulog ang gamit, tutulungan ka, magkakatitigan at boooom! Nagkaroon na ng spark. Lahat ng ito ay mangyayari nang slow motion. Magkakadaupang palad at biglang hihinto ang paligid. Tila tumigil ang oras. Ang nagtitinda ng lobo, ng kandila, ang takatak boys at mga batang naglalaro ay nagmistulang palamuting estatwa sa paligid. At tanging hiling mo sa mga panahong ‘yon ay “Sana siya na, siya na lang please.”

Umaga ng Biyernes, “Salamat at Biyernes na naman”, ang sambit ko pagmulat ng aking mga mata. Hindi dahil huling araw ng pagpasok para sa buong linggo, kundi dahil makikita ko na naman siya. Sino? Edi yung lalaking lagi kong nakakasabay pag-uwi galing sa opisina. Hindi naman siya kagwapuhan pero masasabi kong pwede na. Pwede nang ihilera sa mga hinahangaan ko noong ako’y nasa sekondarya. Hindi naman pala gwapo pero bakit napapansin ko siya? Matangkad kasi siya, sakto para sa babaeng kasintangkad ko. Yun lang naman ang hinahanap ko kapag pisikal na anyo ang pag-uusapan. Tamang mukha at tamang tangkad na aakma sa akin.

Ilang minuto bago mag-alas sais ay naghahanda na ako para umalis. Sana makita ko siya sa lagi niya pinaghihintayan ng bus. Sana sana sana. Bumaba ako ng jeep pero hindi ko siya nakita. Hayaan na, may susunod pa namang mga araw. Sana lang ay doon pa rin talaga siya pumapasok sa opisinang ‘yon. Inisip kong siguro pamilyado na ‘tong taong ‘to. Kasi sa gobyerno nagttrabaho. Madalas ang mga tao doon, permanenteng pamumuhay na ang hanap. Paano ko malalaman kung pamilyado na nga ba siya kung hindi ko siya makakakwentuhan? Dapat talaga kapalan ko na mukha ko kapag nakasabay ko ulit siya. Teka nga. Bakit ko ba siya hinihintay at gustong makasabay? Eto na ba yung love at first sight? Pero hindi e. Ano ‘to? Love at first, second, third, fourth, nth sight? Lagpas sampung beses ko na siyang nakasabay sa bus mula nung nakaraang taon. Hay! Kainis. Biyernes nga talaga, ang hirap sumakay ng bus. Lahat ay nag-uuwian. Lagpas tatlumpung minuto na akong naghihintay. Gusto ko ng makauwi! Lingon lingon lingon. Umaasang sana ay masilayan ko naman siya. Pero wala, wala talaga. Baka nauna na. Sayang! Saktong alas sais pa naman ako nag-out. Akala ko maabutan ko siya. Sayang talaga.

Sandali lang. Parang ikaw yun ah. Tinuturo mo ako. Oo. Tinuturo mo ako sa mga kaibigan mo? Ikaw nga ba yun? Bakit mo ako tinuturo sa kanila? Papalapit na kayo. Pero bakit ganun? Hindi nagislow motion ang paligid? Bakit hindi kagaya ng mga pelikulang napapanood ko? At imbes na magslow motion, e lalong bumibilis ang pangyayari? Magkalapit na tayo pero tinuturo mo pa rin ako sa mga kaibigan mo. Parang may kwento kang sinasabi. Anong gagawin ko? May dapat nga ba akong gawin? “Ui”, ang sabi ko sabay turo sa’yo. Parang magkakilalang nagkasalubong at nagkagulatan. Pero ang totoo, hindi ka naman nagulat. Seryoso pa rin ang mukha mo. Wala kang reaksyon at tuluy-tuloy pa rin sa paglalakad. Niisang ngiti man lang ay wala akong natanggap. Napakasuplado naman ng taong ‘to. Nakatingin lang ako habang papalayo kayo nang papalayo. Nang nakalagpas ka na, bigla kang lumingon. “Ay lumingon! Crush ako neto!” ang nasambit ko sa aking sarili.

Naulit nang naulit ang mga pangyayari. Nagkatabi sa bus. Laging nahuhuling nakatingin at sa tuwing titignan rin ay hindi mo man lang nililihis ang pagkakatitig sa akin. Assuming na kung assuming pero imposible namang banlag siya at sa iba pala nakatingin. Ako na mismo ang sumusuko sa pagtitig. Kumukunot na lang ang noo ko para kunwari’y nagtataka o naiirita. Nakakahiya naman kasi. At nakakatakot kang tumingin. Nakita na rin kita sa kanto malapit sa bahay namin. Nakasalubong sa palengke at iba pa. At pakiramdam ko ay malapit lang rin ang bahay mo sa amin. Naikwento na kita sa ilan sa aking mga kaibigan pero pagkatapos kong ipagkalat ang kwentong iyon ay hindi na kita muling nakita o nakasabay. Nakakatawa nga e. Hindi ko alam kung nagkataon lang o sadyang guhit ng tadhana.

Marahil ay isa ka lamang sa mahigit pitong bilyong tao dito sa mundo, naglalakbay kagaya ko at pumukaw ng atensyon ko. At hanggang doon na lamang yun.

Isa lang naman ang hinihiling ng bawat isa sa atin. Na sa paglalakbay sa ating nakatakdang buhay ay matagpuan ang kaisa-isang nilalang na kayang magbigay ng kahulugan at importansya sa bawat kilos na ginagawa natin. Ang inaasam na makapiling sa hirap o ligaya. Lahat ay gagawin matagpuan lamang ang nag-iisang taong nilaang makasama habambuhay. Kahit saan ay hahanapin at kahit anong paglalakbay ay susuungin, makita lang ang nakatakdang mahalin.

Ngunit bakit sa libu-libong hakbang na ginagawa natin sa araw-araw, hindi pa rin natin mahagkan ang ating ninanais? Dalawa lang naman yan. Kung hindi humahakbang papalapit sa kanya, ay malamang sa ibang direksyon ka tumutungo.

Ito ay mananatiling isa lamang sa napakaraming kwento ng paghahanap ng kaisahan at paglalakbay tungo sa kaligayahan.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na Taon) sa Kategoryang Maikling Kwento

ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng

Advertisements

4 responses to “Paglalakbay Tungo sa Kaligayahan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s